INANUNSYO ng malakanyang na iniurong ngayong lunes ang Trilateral Phone Call sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., U-S President Joe Biden, at Japan Prime Minister Shigeru Ishiba.
Orihinal na itinakda ang phone call kahapon, subalit sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez, na hiniling ng U-S na gawin ito ngayong ala syete ng umaga.
Sinabi ni Chavez na ang dahilan ng adjustment sa schedule ay ang patuloy na pamiminsala ng wildfires sa Los Angeles, sa California.
Hindi naman isiniwalat ng palasyo ang agenda ng trilateral phone call.
Gayunman, inihayag ni Foreign Affairs Spokesperson Teresita Daza na inaasahang tatalakayin ng tatlong lider ang proseso na naisagsawa sa ilalim ng Philippines-Japan-United States Trilateral Cooperation mula nang magpulong sila noong nakaraang taon.