NAGBABALA si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Chairperson ng Task Force El Niño ng pamahalaan, na tutugisin ng mga otoridad ang mga hoarders at nagmamanipula ng mga presyo na nagsasamantala sa mga consumer, sa harap ng paghahanda sa pagdating ng La Niña Phenomenon.
Sa pulong ng Presidential Task Force sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Teodoro na handa ang Department of National Defense (DND) na magbigay ng suporta sa concerned government agencies sa price monitoring ng basic necessities at prime commodities.
Aniya, ang pagsugpo sa price manipulation at pagpapanagot sa hoarders ang kabilang sa mga prayoridad ng gobyerno para tugunan ang La Niña, na tinayang magsisimula sa Hunyo.
Binigyang diin ng kalihim na kailangang paigtingin ang price at supply monitoring sa merkado upang maprotektahan ang mga consumer mula sa mapagsamantalang negosyante.
Noong nakaraang linggo ay inatasan ni Teodoro ang Task Force El Niño na simulan na ang paghahanda para sa posibleng pag-uumpisa ng La Niña sa susunod na buwan.