Inaprubahan ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang tapusin ang School Year 2024-2025 sa April 15, para sa unti-unting pagbabalik ng lumang school calendar nang walang Saturday classes upang maabot ang required number of school days.
Sa inaprubahang panukala, mananatili sa July 29 ang pagsisimula ng susunod na School Year, na mas maaga sa orihinal na plano ng Department of Education (DepEd) na nakasaad sa Order No. 003, series of 2024.
Sa press release ng Presidential Communications Office, ito ang simula ng unti-unting pagbabalik sa June to March school calendar, na ipinanawagan ng mga mag-aaral at mga guro dahil sa matinding init ng panahon bunsod ng climate change, kaya napilitan ang maraming paaralan na suspindihin ang in-person classes noong Abril at ngayong Mayo.
Bago ito ay iprinisinta ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kay pangulong Marcos ang dalawang proposed calendars para sa SY 2024-2025, matapos konsultahin ang mga guro, mga opisyal ng mga paaralan, at mga magulang.