Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling ng Commission on Elections (Comelec) na bigyan pa ng dagdag na P1,000 ang lahat ng mga guro na nagsilbi noong nagdaang eleksyon.
Sa memorandum na inilabas ng Malakanyang, inatasan ang Department of Budget and Management (DBM) na magpalabas ng dagdag na P758,459,000 na pondo para sa mga nagsilbing guro noong halalan.
Ang pondo ay kukuhanin mula sa Contingent Fund sa ilalim ng 2024 National Budget.
Kabilang sa makatatanggap ng dagdag na P1,000 ang mga nagsilbi bilang chairman at miyembro ng Electoral Board, poll clerk, support staff, at iba pang staff ng DepEd na nagsilbi sa eleksyon.
Nagpasalamat naman si Comelec Chairman George Erwin Garcia sa pag-apruba ni Pangulong Marcos sa kanilang kahilingan.
Ayon kay Garcia, hindi matatawaran ang kabayanihan ng mga guro noong nakaraang eleksyon.