NAIS ni San Juan City Mayor Francis Zamora, Pangulo ng League of Cities of the Philippines (LCP) na magkaroon ng partisipasyon ang mga alkalde ng lungsod sa proseso ng paghimay ng National Budget para sa mas maayos na koordinasyon ng Infrastructure Projects sa National Government.
Sinabi ni Zamora na hinihiling nila na maging bahagi ng Budgeting Process dahil ang mga alkalde ang nakakaalam kung ano ang mga kailangan ng kanilang nasasakupang lungsod.
Idinagdag ng San Juan mayor na bagaman nirerespeto nila ang proseso ng kongreso, maging ang pagpanukala ng Department of Public Works and Highways ng mga proyekto, ay hindi naman palaging nakikipag-coordinate ang DPWH sa lokal na pamahalaan.
Una nang inihayag ni Zamora na suportado ng kanilang grupo ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-oobliga sa National Government na humingi muna ng Approval mula sa Local Government Units bago ipatupad ang mga proyektong pinondohan ng National Budget.




