IDINEKLARANG panalo si PNP Chief Police General Nicolas Torre III sa laban matapos hindi sumipot si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa “Boxing For A Cause: Laban Para Sa Nasalanta” Event sa Rizal Memorial Coliseum, kahapon.
Ilang sandali matapos sumampa sa ring, nagbilang ng sampu para malaman kung darating ang acting mayor.
Gayunman, walang Duterte na sumipot sa laban na dinagsa ng daan-daang katao.
Sinabi ni Torre na itinuloy ang event para makalikom ng halaga para sa mga nasalanta ng pagbaha na dulot ng pinaigting na Habagat.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay hinamon ni Duterte ng suntukan si Torre sa isang vlog na in-upload sa Youtube, na tinanggap naman ng PNP chief.
Samantala, nakalikom ng 20 million pesos na halaga ng Cash Assistance at Relief Goods ang Boxing Match sa pagitan nina Philippine National Police Chief Gen. Nicolas Torre III at Acting Davao City Mayor Baste Duterte.
Matapos ideklarang ‘Winner By Default’ ay nagpasalamat si Torre sa lahat ng sumuporta at tulong sa Fund Raising Activity.
Ayon kay Torre umabot sa 340,000 thousand pesos ang nakulekta mula sa mga bumili ng tiket para manood sa laban.
Umabot din sa 16 million pesos ang nalikom mula sa iba’t ibang donors.
Habang may mga nagbigay din ng donasyon na dalawang toneladang bigas at mga de lata na umabot sa 4.2 million ang halaga.
Ayon sa PNP chief, ang kinita ng event at lahat ng donasyon ay ibibigay ng PNP sa Department of Social Welfare and Development at sa Philippine Red Cross.