SINIGURO ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pangmatagalang tulong sa mga apektado ng pagputok ng Mt. Bulusan sa Sorsogon.
Iniutos aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Na dapat ay walang biktima o apektadong pamilya ang makararanas ng gutom.
Ani Gatchalian, kung lalala at tatagal ang pag-aalburuto ng bulkan, handa ang ahensya na tulungan ang mga residente ng pangmatagalan.
Binanggit ni Gatchalian ang long-term assistance ng ahensya sa mga apektado ng pagputok ng Mt. Mayon at Mt. Kanlaon, gayundin ang mga naapektuhan ng oil spill bunsod ng lumubog na motor tanker sa oriental Mindoro noong 2023.
Ayon kay Gatchalian, magkakaroon din ng pamamahagi ng tulong-pinansyal kung kinakailangan para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya kabilang ang pagbili ng mga gamot at iba pang health care needs na hindi kasama sa ipinamimigay na Family Food Packs (FFPs) ng DSWD.