IPINAG-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kay suspended Bamban Mayor Alice Guo bunsod ng grave misconduct.
Sa dalawampu’t limang pahinang desisyon, dinismis ng ombudsman si Guo mula sa serbisyo at binawi rin ang lahat ng kanyang retirement benefits, pati na perpetual disqualification mula sa public office.
Nakasaad sa desisyon na ang sunod-sunod na hakbang ay nagbunga ng konklusyon na ginawa ito ni Guo para sa sariling interest.
Batay ito sa reklamo na inihain ng Department of the Interior and Local Government na nag-akusa kay Guo at sa ilan pang mga opisyal ng grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Nang simulan ni Guo ang kanyang duties and responsibilities bilang alkalde ng Bamban, ay nanatili pa rin siya bilang real, true, at actual president ng Baofu Land Development, Inc., at nakikinabang mula sa patuloy na operasyon ng Hongsheng at Zun Yuan.
Binigyang diin ng Ombudsman na malinaw itong conflict of interest, at kitang kita ang elemento ng korapsyon, sadyang paglabag sa batas, at pagbalewala sa mga panuntunan.
Bukod dito, hindi rin maaring magmaang-maangan si Guo sa mga iligal na operasyon ng POGO Hub, dahil wala itong ginawa ang alkalde para imbestigahan ang mga aktibidad na nagresulta sa pagsalakay ng mga awtoridad.