HINDI na itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng Odd-Even Scheme sa kahabaan ng EDSA kasunod ng pagpapaliban sa rehabilitasyon nito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa statement, sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na sa pamamagitan ng kanselasyon sa Odd-Even Scheme, mabibigyan ng pagkakataon ang concerned agencies na pag-aralang muli ang kanilang plano kung paano maiibsan ang matinding trapiko kapag isinailalim sa rehabilitasyon ang EDSA.
Nilinaw naman ni Artes na ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng umiiral na Number Coding Scheme.
Sisimulan sana ang EDSA Rehabilitation sa June 13, 2025 at inaasahang matatapos ito hanggang sa 2027.




