UMAKYAT na sa walo ang napaulat na nasawi sa Mindanao bunsod ng masungit na panahon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa latest report ng NDRRMC, naapektuhan ng mga bagyong Carina at Butchoy, pati na ng southwest monsoon o habagat, ang iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pito katao ang kumpirmadong patay na pawang lahat ay mula sa Mindanao, kabilang ang apat sa Zamboanga at tig-iisa sa Northern Mindanao, Davao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Isa pa ang napaulat na nasawi sa BARMM na kasalukuyan pang bina-validate.
Apat sa mga biktima ay namatay bunsod ng trauma o suffocation kasunod ng landslides sa dalawang sitio sa Barangay Pamucutan, Zamboanga City.
Samantala, nakasaad din sa report na isa ang nananatiling nawawala habang dalawa ang nasugatan sa Northern Mindanao bunsod ng masamang panahon.