UMAASA ang bayan ng Biliran sa Probinsya ng Biliran na tutulong din ang iba pang Local Government Units sa bansa na mapababa ang presyo ng bigas sa bente pesos kada kilo, gaya ng kanilang ginagawa simula pa noong nakaraang taon.
Sinabi ni Biliran Municipal Agriculture Officer Lemuel Antonio na masaya siyang marinig sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos ang alalahanin nito sa mataas na presyo ng bigas.
Aniya, sana ay gawin din ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang parte upang matulungan si pangulong Marcos na maabot ang layunin nito na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas sa mahihirap na pamilya.
Ang mga magsasaka sa Biliran ay nagbebenta ng bigas sa presyong bente pesos lamang kada kilo bilang sukli sa mga komunidad matapos silang tumanggap ng iba’t ibang ayuda mula sa gobyerno.