INANUNSYO ni Education Secretary Sonny Angara na ipamamahagi ang 5,000 pesos na “Chalk Allowance” o Teaching Allowance ng public school teachers sa Lunes, July 29, kasabay ng pagbubukas ng mga klase.
Sa pagbisita ng bagong kalihim ng Department of Education sa mataas na paaralang Neptali A. Gonzales sa Mandaluyong City, kahapon, sinabi niya na sa unang pagkakataon, tax-free ang chalk allowance.
Sa susunod na taon naman aniya ay itataas sa 10,000 pesos ang matatanggap na teaching allowance ng mga guro, alinsunod sa batas.
Inihayag ni Angara na ang karagdagang benepisyo ay makatutulong sa mga teacher para mabili ang mga gamit na kakailanganin nila sa pagtuturo.
Noong nakaraang buwan ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabalikat sa pagtuturo act, bilang suporta sa public school teachers sa pamamagitan ng pagtataas sa kanilang allowances.