INILUNSAD ng Department of Health (DOH) ang kanilang health packages at medical services sa pagsisimula ng Brigada Eskwela 2025.
Ito’y bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga paaralan sa pagsuporta sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa pangunguna ni Health Secretary Ted Herbosa, kinilala ng DOH ang walumpu’t tatlong paaralan sa buong bansa bilang “Health Champions” sa launching ng programa sa Bacacay East Central School sa Albay.
Tumanggap ang mga eskwelahan ng “Bawat Bata Malusog” packages, na kinapapalooban ng essential health tools, gaya ng blood pressure monitors, timbangan, first aid kits, at iba pang clinic supplies.
Namahagi rin ang DOH ng disaster readiness kits upang palakasin ang emergeny preparedness ng mga paaralan.
Nagbigay din ang ahensya sa mga guro at school staff ng libreng konsulta, bakuna, X-rays, laboratory tests, at iba pa, upang matiyak ang kanilang kalusugan.