TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magiging masaya ang pasko ng mayorya sa mga sangkot sa flood control scam dahil magpapasko na ang mga ito sa kulungan.
Ito ang inihayag ng pangulo sa harap ng pagkainip ng publiko na may makitang makulong sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga contractor na nangulimbat sa pondo ng bayan.
Ipinatawag ng pangulo ang press briefing para iulat sa publiko ang takbo ng imbestigasyon sa flood control scandal kung saan karamihan aniya sa mga sangkot ay inirekomenda sa Ombudsman at sa Department of Justice na sampahan ng mga kasong Graft, Malversation, paglabag sa Government Procurement Reform Act, at iba pa.
Sinabi ni Pangulong Marcos na tapos na ang maliligayang araw ng mga nangungurakot sa gobyerno dahil hahabulin ang mga ito upang mapanagot sa kanilang mga aksiyon.




