UMABOT na sa mahigit 148,000 na kahon ng Family Food Packs ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Cebu.
Ang mga Food Packs ayon sa ahensya ay ibinababa sa mga lokal na pamahalaan na ipamimigay sa mga pamilyang naapektuhan ng Magnitude 6.9 na lindo.
Kabilang sa mga lugar na nahatiran na ng Food Packs ang mga sumusunod:
– Bantayan
– Sta. Fe
– Tabuelan
– Daanbantayan
– Sogod
– Tabogon
– Borbon
– Bogo City
– San Remigio
– Medellin
– Madridejos
– Catmon
Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang paghahatid ng tulong ng ahensya para matiyak na may sapat na pagkain at pangunahing pangangailangan ang mga pamilyang apektado, habang unti-unti silang bumabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol.
Samantala, binuksan na ang Provincial Donation Hub sa Danao City sa Cebu.
Ayon sa Cebu Provincial Government, nagsimula nang tumanggap ng donasyon ang Donation Hub na nasa Danao City Boardwalk.
Ang Donation Hub ay inisyatiba ng Danao City Government sa pakikipagtulungan sa Provincial Government ng Cebu sa layong ma-decongest ang mga lansangan, maiayos ang sistema ng pamamahagi ng donasyon, at mas mapabilis ang pagdadala ng tulong sa mga nasalanta ng lindol.
Ang mga donasyong ibinababa sa Danao ay agad isasakay sa sa mga truck at container vans at direktang dadalhin sa mga apektadong bayan.
Gamit kasi ang mas malalaking sasakyan, mas maraming donasyon ang maisasakay, kaysa sa mga kotse na kapag nagsabay-sabay sa kalsada ay nagdudulot ng pagsisikip ng Traffic at lalong nakapagpapatagal sa Delivery ng mga Relief Goods.
Maliban sa Donation Hub na ito sa Danao ay maaari ding magbaba ng donasyon sa Capitol Warehouse sa M. Velez Street at sa Sacred Heart School – Ateneo De Cebu Gym.