MAGSISILBI ang Department of Justice (DOJ) bilang legal representative ng gobyerno sa petisyon sa Supreme Court, na kumukwestyon sa pag-aresto kay Dating Pangulong Rodrigo Duterte at paglipat ng kustodiya nito sa International Criminal Court (ICC).
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagsumite na ang DOJ ng kanilang komento sa petitions for habeas corpus na inihain nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte, at Veronica “Kitty” Duterte.
Sinabi ni Remulla na binigyan sila ng awtorisasyon ni Executive Secretary Lucas Bersamin, para sumagot sa naturang petisyon at naihain na nila ang komento noong Lunes.
Kasunod ito ng recusal ng Office of the Solicitor General na default lawyer ng gobyerno, bunsod ng conflict sa nauna nitong posisyon hinggil sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.