IPINAALALA ng Department of Health (DOH) sa mga doktor ang protocols para sa poison management sa mga pasyenteng naapektuhan matapos ma-expose sa nag-leak na langis mula tatlong barko sa Bataan.
Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na simula noong nakaraang linggo nang unang lumubog ang MT Terranova sa Limay, Bataan, ay ipinag-utos ni Health Secretary Ted Herbosa na umpisahan ang pag-refresh sa health protocols sa poison management.
Paliwanag ni Domingo, hindi lahat ng doktor ay mayroon instant knowledge pagdating sa poison management, kaya sila ay nire-refresh.
Pinayuhan ng health official ang mga doktor na huwag silang mag-atubiling tumawag sa poison control centers at mayroong kakausap sa kanilang toxicologist o espesyalista sa lason para magsabi kung ano kailangang ibigay sa pasyente.
Hinimok din ni Domingo ang mayroong health concerns matapos ma-expose sa oil spill na agad tumawag sa hotline ng DOH na 1555.
Bukod sa Terranova, dalawa pang barko na kinabibilangan ng MTKR Jason Bradley at MV Mirola ang nadiskubre na nagkaroon ng leaks sa katubigan ng Mariveles, Bataan.