BINALAAN ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang senado ng “unintended consequences” kapag sinuspinde ng pamahalaan ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na tinatawag ngayong Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ito ang nakasaad sa liham ni Bautista kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, anim na araw matapos ipanukala ng pangulo ng senado, ang paghahain ng resolusyon na nananawagan na pansamantalang suspindihin ang PUVMP Rollout.
Hiniling din ng kalihim kay Escudero na ikonsidera ang pagpapaliban ng suspensyon sa PTMP.
Ipinaliwanag ni Bautista na bagaman kinikilala nila ang mga isyung kinakaharap ng PTMP ay hayaan sana silang patunayan ang overall impact nito na may positibong resulta.
Nilinaw din ng DOTr Chief sa liham na hindi ino-obliga ng PTMP ang PUV operators at drivers na agad bumili ng modern jeepneys at ang modernisasyon ay unti-unting ilalatag sa susunod na tatlo hanggang apat na taon pagkatapos ng consolidation deadline.