UMAKYAT na sa walumpu’t lima ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Tino, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa naturang bilang, 49 ang napaulat na nasawi sa Cebu; dalawa sa Leyte; tig-isa sa Bohol at Capiz; at apat sa Negros Island Region.
Ang pangunahing sanhi ng pagkasawi ng mga biktima ay nabagsakan ng Debris at puno, Landslides, at pagbaha.
Sinabi ng OCD na mayroong dalawampu’t walong iba pang nasawi, bagaman inaalam pa ang mga sanhi.
Bukod dito, mayroon ding labintatlong nawawala sa Cebu at animnapu’t dalawa sa Negros Oriental at Occidental habang labimpito ang napaulat na nasugatan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Samantala, isinailalim sa State of Calamity ang buong probinsya ng Cebu kasunod ng malawak na pinsalang iniwan ng Typhoon Tino.
Nilagdaan ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang Executive Order No. 68, para sa pormal na deklarasyon, matapos makumpirma ang lawak ng pinsala ng bagyo sa Public at Private Properties, maging ang Reports ng Casualties at mga inilikas na residente.
Sa lakas ng hanging umabot sa 150 km/h at pagbugso na hanggang 205 km/h, binayo ng malakas na hangin at ulan ang iba’t ibang bayan at lungsod sa Cebu, na nagresulta ng matinding pagbaha, pagkaputol ng supply ng kuryente, at malawak na pinsala sa imprastraktura.
Sa pamamagitan ng deklarasyon, pinapayagan ang lahat ng Provincial at Local Government Offices na gamitin ang kani-kanilang Quick Response Funds (QRF) at iba pang Available Resources para sa Rescue, Relief, Recovery, at Rehabilitation Operations, alinsunod sa umiiral na Auditing at Accounting Rules.




