MAGHAHAIN ang House of Representatives ng Motion for Reconsideration sa Impeachment ni Vice President Sara Duterte matapos itong ideklara ng Supreme Court bilang Unconstitutional.
Sinabi ng tagapagsalita ng Kamara na si Princess Abante, na bagaman nirerespeto ng kapulungan ang desisyon ng kataas-taasang hukuman, ikinababahala nila na ang Ruling ay ibinatay sa “erroneous factual premises” na taliwas sa Official House Records.
Naninindigan aniya ang Kamara na ang proseso ng Impeachment ay alinsunod sa konstitusyon, at ginawa nila ang lahat upang sundan ang mga alituntunin at prinsipyo ng Saligang batas at ng mga naunang pasya ng Korte Suprema.
Kinontra rin ng Kamara ang pahayag ng SC na nabigo ang mababang kapulungan na aksyunan ang naunang tatlong Impeachment Complaints na inihain noong December 2024.
Ipinaliwanag ni Abante na nang aksyunan ang ika-apat na reklamo laban kay VP Sara noong Pebrero, bumoto rin ang mga kongresista sa Plenaryo na i-archive ang December Complaints.
Dahil sa One-Year Prohibition Rule sa Impeachment Complaints, na ayon sa Korte Suprema ay nilabag ng Kamara, walang hurisdiksyon ang Senado sa Impeachment Complaint.