IBINUNYAG ni Resigned Congressman Zaldy Co ang bago umanong plano sa kaniya ng Administrasyong Marcos.
Sa bagong video na ibinahagi ni Co sa kaniyang Facebook page, sinabi nitong palalabasin ng pamahalaan na isa siyang terorista para matiyak na mapapatahimik na siya at malibing kasama niya ang mga impormasyong kaniyang nalalaman.
Muli ring iginiit ni Co na hindi siya makauwi dahil sa tindi ng banta sa kaniyang buhay.
Pero hindi umano siya hihinto sa kaniyang mga rebelasyon dahil mahalagang malaman ng taong bayan ang katotohanan.
Samantala, itinanggi ni Resigned Congressman Zaldy Co ang pahayag ni Dating DPWH District Engineer Henry Alcantara na aabot sa 21 billion pesos na kickback ang kaniyang naibulsa.
Sa kaniyang panibagong video, sinabi ni Co na mula taong 2022 hanggang 2025 mayroong dumaan sa kaniya na kabuuang 56 billion pesos.
Pero literal na dumaan lamang ito sa kaniya dahil ang nasabing pera ay para kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Dating House Speaker Martin Romualdez.
Hindi pa aniya kasama dito ang 100 billion pesos na Insertion ni Pangulong Marcos sa 2024 Budget.
Mayroon din aniyang hiwalay pa na 97 billion pesos na Flood Control Insertions na isinama sa National Expenditure Program ng 2026 National Budget.
Dagdag pa ni Co, noong 2022, pag-upo niya bilang chairman ng House Committee on Appropriations, inatasan na siya ni Romualdez na kailangan niyang makapag-deliver ng 2 billion pesos kada buwan.




