ISANG empleyado ng Pamahalaan ang patay habang mahigit dalawandaang residente ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Barangay Canlapwas sa Catbalogan City, Samar.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), Faulty Electrical Wiring ang sanhi ng sunog na nagsimula sa kisame ng bahay na pag-aari ng isang Rizalda Magallanes.
Sinabi ng Arson investigators na gawa sa Light Materials ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang katabing kabahayan.
Tumulong sa mga bumbero mula sa Catbalogan City Fire Station sa pag-apula ng apoy ang mga Fire volunteers, mga pulis, at Reinforcements mula sa mga kalapit bayan, gaya ng Paranas.
Tumagal ng halos apat na oras ang sunog na kumitil sa buhay ng trenta anyos na empleyado ng Samar Provincial Capitol na si Reynold Muñez.
Batay sa imbestigasyon, bumalik sa kanyang nasusunog na bahay si Muñez, sa paniniwalang na-trap sa loob ang kanyang pamilya na una nang nakalikas.
Sa Report ng BSP, dalawampu’t tatlong kabahayan ang tuluyang natupok habang tatlong iba pa ang nagtamo ng Partial Damage.