ITINURNOVER ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng computers at files ni Dating Undersecretary Maria Catalina Cabral sa Office of the Ombudsman.
Sa statement, sinabi ng DPWH na ang pag-turnover nila sa files ni Cabral ay bilang pagtalima sa Subpoena Duces Tecum ng Ombudsman, na nag-aatas sa ahensya na isurender ang lahat ng computers at devices na inisyu sa yumaong DPWH official.
Ayon sa Public Works Department, ang mga itinurnover na files ay mga dokumento at iba pang requests for consideration sa programming ng National Expenditure Program sa nakalipas na sampung taon, at iba pa.
Inihayag naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, selyado ang central processing unit at files ni Cabral at diniliver sa kustodiya ng Office of the Ombudsman.
Idinagdag ni Clavano na mananatili itong selyado hanggang sa maisagawa ang Digital Forensic Test.




