PUMALO sa panibagong record-high ang utang ng Pilipinas hanggang noong katapusan ng Abril, batay sa datos na inilabas ng Bureau of Treasury.
Umabot na sa 16.752 trillion pesos ang Outstanding Debt ng national government, mas mataas ng 0.41% kumpara sa 16.68 trillion pesos na naitalang utang hanggang noong katapusan ng Marso.
Umakyat sa 11.59 trillion pesos ang Domestic Debt habang ang utang sa labas ng bansa ay naitala sa 5.16 trillion pesos.
Sa kabila naman ng paglobo ng bayarin, tiniyak ng Treasury na patuloy na tumatalima ang pamahalaan sa disiplinadong pangungutang, kung saan sinusuportahan ng Borrowings ang productive investments habang pinananatili ang Fiscal Sustainability.