13 August 2025
Calbayog City
National

Sigarilyong ‘tuklaw’ kumpirmadong nagtataglay ng synthetic cannabinoid ayon sa PDEA

tuklaw

Nagtataglay ng delikadong kemikal ang isang sigarilyong ‘tuklaw’ na hinithit ng ilang indibidwal na nakitang nangisay sa ilang viral video sa Palawan at Quezon City.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Undersecretary Isagani Nerez, matapos ang confirmatory tests na kanilang ginawa, ang sigarilyong ‘tuklaw’ ay mayroong taglay na synthetic cannabinoid na ang epekto ay kahalintulad ng epekto ng tsongke na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Dangerous Drugs Act.

Maliban sa epektong pangingisay sinabi ng PDEA na maaari ding magdulot ng pagkasawi ang nasabing kemikal at may mas mataas itong taglay na nicotine kumpara sa ibang ordinaryong sigarilyo.

Ang ‘tuklaw’ ay hango sa pangalang ‘Thuoc Lao’ na mula sa Northern Vietnam.

Kaugnay nito ay nagbabala ang PDEA sa publiko lalo na sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo pa at base sa mga nag-viral na video ay pawang teenagers ang nakitang humithit ng ‘tuklaw’ na sigarilyo na nagresulta sa pangingisay ng kanilang katawan.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.