HINDI dahilan na pagiging magpinsan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, upang hindi irekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Independent Commission for the Infrastructure (ICI) na kasuhan ang dating house speaker kaugnay ng flood control scandal.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon kay Senador Chiz Escudero na ang desisyon na papanagutin si Romualdez ay batay sa mga ebidensya na kanilang nakalap.
Sa kanyang interpellation sa budget ng DPWH, tinanong ni Escudero si Dizon kung may nararamdaman ba itong pangamba o pag-aalinlangan sa paghahain ng kaso laban kay Romualdez, sa kabila ng relasyon nito sa pangulo.
Ayon sa kalihim, sa lahat ng pag-uusap nila ng pangulo ay consistent ito sa pagsasabi na kung nasaan ang ebidensya at doon sila pupunta, at kahit na sino pa ang pwedeng maisama. Ipinaliwanag din ni Dizon na ang basehan ng kanilang rekomendasyon kay Romualdez, ay mga dokumento mula sa DPWH, ebidensya mula sa mga kumpanya ni Dating Cong. Zaldy Co at sa testimonya sa senado ng dating consultant ni Co na si Orly Guteza tungkol sa 100-Billion Peso Insertion.




