Hindi gagamit ng water cannon ang Pilipinas para ipagtanggol ang teritoryo ng bansa, ayon mismo kay pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ambush interview, sinabi ng pangulo na ayaw na niyang palalain pa ang tensyonado nang sitwasyon sa West Philippine Sea, kasunod ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas noong nakaraang martes.
Binigyang diin ni Marcos walang intensyon ang Pilipinas na atakihin ang sinuman sa pamamagitan ng water cannons o anupamang hakbang na magpapaigting sa tensyon.
Inihayag ng pangulo na ang pinakahuling nais niyang mangyari ay lumala ang tensyon sa West Philippine Sea, at hindi gagayahin ng bansa ang mga ginagawa ng mga barko ng China.