Nangangalap na ng mga ebidensya ang Pilipinas para sa isasampang bagong kaso laban sa China kaugnay ng mga iligal na hakbang nito sa West Philippine Sea.
Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, na isusumite nila ang mga ebidensya, partikular para sa environmental case, sa Department of Justice at Office of the Solicitor General para sa susunod na legal action laban sa China.
Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Malaya, pati na ang timeline ng pamahalaan sa paghahain ng kaso, subalit kasalukuyan na aniya itong ina-assess ng DOJ.
Idinagdag ng NSC official na depende sa bigat ng ebidensya ang kanilang magiging hakbang dahil hindi aniya sila haharap sa korte kung hindi rin lang naman mananalo.