Posibleng mali ang nakarating na impormasyon kay pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. makaraang sabihin nito na walang ginawa ang mga nakalipas na administrasyon para sa yolanda rehabilitation.
Pahayag ito ni dating presidential spokesman, Atty. Salvador Panelo, kasabay ng pagbibigay diin na hindi naman nangyari ang super typhoon nito lamang nakalipas na dalawang taon para sabihing walang ginawa ang Aquino at Duterte administrations.
Ipinaalala ng dating chief presidential legal counsel ng nakalipas na Duterte administration, na nangyari ang super typhoon noong 2013 sa termino ni yumaong pangulong Noynoy Aquino.
Aniya, nakapagtayo ang Aquino administration ng 160,000 housing units at nagtapos ang pamamahagi nito sa mga biktima noong 2015. Sa pagtatapos naman ng termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2022, sinabi ni Panelo na 85% ng target na 205,000 housing units ang nai-turnover sa mga biktima ng super typhoon yolanda.