Pasok na sa Pilipinas ang tinatawag na “Laser Internet” o Free-Space Optical (FSO) technology, kung saan ang data ay ipinapadala gamit ang laser beams sa hangin—parang fiber, pero walang kable.
Inanunsyo ng PLDT na nag-deploy na sila ng Google Taara laser internet links sa tatlong lokasyon: Talim Island sa Rizal na may 11.8km link across Laguna de Bay, Dipaluda sa Isabela na may 13km na tumawid sa bundok, at Bagong Pag-asa sa Quezon City bilang backup link para maiwasan ang network outage. Ang bawat laser link ay kayang magbigay ng hanggang 20Gbps speed—parang fiber-optic quality, pero mas mabilis i-install dahil wala nang kailangang hukayin o ilatag na kable.
Hindi rin nagpahuli ang Globe Telecom na matagumpay na nagsagawa ng field trial nitong Agosto 2025. Sa kanilang test sa Laguna Lake, nakapagtala sila ng 10Gbps stable connection na tumawid ng 11km na puro open water. Nakapasa pa ito sa lahat ng standard tests tulad ng latency at bit error rate, patunay na handa na ang teknolohiya para sa mas malawak na paggamit.
Para sa mga Pilipino, malaking bagay ito dahil mas magiging mabilis ang rollout ng internet sa mga isla at probinsya na hirap kabitan ng fiber. Maaari rin itong magsilbing reliable backup sa mga lungsod para maiwasan ang downtime, habang nag-aalok ng fiber-like speeds sa mas maraming households at negosyo.
Ang laser internet ay malaking hakbang para tuluyang mabawasan ang digital divide sa bansa, lalo na sa mga malalayong komunidad.




