INAKUSAHAN ni Dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Dating House Speaker Martin Romualdez na tumanggap ng hanggang 56 billion pesos na kickbacks mula sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Batay ito sa inilabas na ikatlong installment ng videotaped statement ng dating kongresista.
Gayunman, agad itong ibinasura ng malakanyang sa pagsasabing kasinungalingan ang pinakabagong alegasyon ng dating chairman ng House Appropriations Committee.
Sa latest video, kinontra ni Co ang isiniwalat ni Dating DPWH District Engineer Henry Alcantara na 21 billion pesos na kickbacks ang ibinulsa ng dating mambabatas.
Sinabi ni Co na ang totoong pigura ay 56 billion pesos na napunta kina Marcos at Romualdez.




