SIMULAN na ng PBA ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng insidente na kinasangkutan ng Magnolia Veteran na si Calvin Abueva at misis ni Mo Tautuaa (Mow Taw-tu-a) ng San Miguel, noong Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Matapos manalo ang Beermen sa score na 109-85 sa game 2 ng PBA Commissioner’s Cup Finals, nagkaroon ng mainit na sagutan si Abueva at asawa ni Tautuaa na si Aida, sa labas ng players’ dugout.
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na kinausap na niya ang pamunuan ng San Miguel, pati na si Tautuaa.
Aniya, iko-convene din niya ang technical working group, saka kakausapin ang dalawang sangkot na basketball players.