26 March 2025
Calbayog City
National

Mga prayoridad ni Abby Binay: Better health at education, tax-free overtime pay at 13th month pay

abby binay

LAOAG CITY – Inilatag ni senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay ngayong araw ang kanyang social agenda na nakatuon sa paghahatid ng better healthcare at education, at sa pagpapalakas ng purchasing power ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtanggal ng buwis sa overtime pay at 13th month pay.

Ayon kay Binay, nagiging mas produktibo ang mga mamamayan kapag natututukan ng pamahalaan ang pagpapahusay ng mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Gayundin, kapag hindi na binawasan ng tax ang overtime pay at 13th month pay, mas sisigla ang ekonomiya dahil mas maraming maipapamili ang mga manggagawa. 

Sa unang araw niya sa kampanya, ipinanukala ni Binay ang isang kumprehensibong healthcare program na magbibigay ng libreng gamot at pharmaceutical products para sa hypertension, diabetes, cancer, cardiovascular diseases, at iba pang mga sakit.

Isinusulong din niya ang libre at unlimited dialysis at chemotherapy, preventive care, at pagpapaganda ng health facilities, lalo na sa mga probinsya.

Para kay Binay, dapat abot-kamay ang dekalidad na healthcare para sa lahat ng nangangailangan nito. Aniya pa, dapat 100 percent better ang healthcare sa bansa.

Mahalaga rin aniyang maipatupad ang mga reporma sa edukasyon habang isinasaayos ang school buildings at mga pasilidad, kabilang ang access sa tubig at kuryente.

Ayon kay Binay, gustong-gusto ng mga bata na mag-aral kaya’t dapat nilang maramdaman na sila ay pinapahalagahan at sinusuportahan ng kanilang gobyerno. 

Makakatulong aniya ang paggamit ng teknolohiya sa pagsusulong ng literacy at proficiency, at dapat magkaroon ng libreng access ang mga mag-aaral sa public schools sa modernong kagamitan tulad ng tablets at computers. 

Kasabay ng mga ito, sinabi ni Binay na kailangan ding maagap na tugunan ang basic needs ng mga mag-aaral at mga guro, lalo na ang mga nasa malalayong lugar. Kailangan ding tutukan ang pagsasaayos ng mga nilalaman ng learning materials at pag-upgrade ng curriculum, ayon pa sa alkalde.

Ayon kay Binay, tungkulin ng pamahalaan na tiyaking ang bawat bata, anuman ang katayuan sa buhay, ay magkaroon ng pagkakataong matuto, umunlad, at makapag-ambag sa lipunan.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).