IBINASURA ng Malakanyang ang mga haka-haka na repleksyon ng umano’y lumalawak na lamat sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsibak kay General Nicolas Torre III bilang PNP chief.
Binigyang diin ni Palace Press Officer Undersecretary, Atty. Claire Castro na hindi ito ang kanilang nakikita, dahil si Torre aniya ay napakagaling na Public Servant at maari pa ring magsilbi sa bayan.
Una nang inihayag nina Representatives Antonio Tinio ng ACT-Teachers at Renee Louise ng Kabataan Party-list, na ang pagsibak kay Torre sa loob lamang ng walumpu’t limang araw mula nang italaga bilang PNP chief ay malinaw na ebidensya ng lumalalim na hidwaan sa loob ng Marcos Administration.
Inamin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isa sa mga dahilan ng pagsibak kay Torre ay ang ipinatupad nitong balasahan sa PNP nang hindi dumaan sa National Police Commission.
Samantala, tumanggi si Gen. Nicolas Torre na magbigay ng pahayag kaugnay sa umano ay alok na posisyon sa kaniya sa gobyerno matapos alisin bilang pinuno ng Philippine National Police.
Ayon kay Torre, wala pa namang pormal na anunsyo ang palasyo ng Malakanyang hinggil dito.
Masyado rin aniyang maaga para sagutin niya kung tatanggapin niya ang iaalok na posisyon gayong wala pa namang pormal na impormasyon tungkol sa usapin.
Tumanggi naman si Torre na sagutin kung nakausap na niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa alok na posisyon.
Ayon kay Torre sa ngayon ay nananatili siyang pulis na mayroong 4-Star General Rank.




