NAGLUNSAD ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng imbestigasyon sa flood control projects sa Cebu.
Kasunod ito ng malawakang pagbaha na idinulot ng Bagyong Tino, na tumama sa Visayas.
Kahapon ay pinangunahan ni ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. ang pag-i-inspeksyon sa flood control structures sa mga Barangay Tabok at Alang-Alang sa Mandaue City, na nakaranas ng matinding pagbaha matapos umapaw ang Butuanon River, dahilan para lumikas ang daan-daang mga residente.
Ininspeksyon din ng team ang kaparehong mga proyekto sa Talisay City, Cebu City, at munisipalidad ng Compostela. Kasama sa nag-inspeksyon sina Public Works Undersecretary Arthur Bisnar, AFP General Ariel Caculitan, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagsisilbi lead convenor ng Mayors for Good Governance Coalition.




