INIREKOMENDA ng Technical Working Group (TWG) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kongreso ang pagsama sa motorcycle taxis bilang ligtas at praktikal na moda ng pampublikong transportasyon.
May potensyal din umano ito na maibsan ang mabigat na trapiko sa pamamagitan ng pagbabawas sa bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada.
Sa kasalukuyan ay hindi pinapayagan ng batas ang motorcycle taxis sa mga lansangan sa bansa, subalit nagbigay ng go signal ang kongreso para sa pilot study program na nagsimula noong 2019, upang malaman kung ligtas ito para sa public transport.
Nakalikha rin ang motorcycle taxis ng mga trabaho kung saan mahigit 6,800 riders ang kasalukuyang naka-rehistro sa operating Transport Network Companies (TNC) sa bansa.
Ang pilot study ay nilahukan ng tatlong TNCs na kinabibilangan ng Angkas, Joyride at Move It, at saklaw nito ang Metro Manila, Cebu, at Cagayan De Oro. Ngayong 2024, apat pang TNCs ang pinayagang mag-operate, na kinabibilangan ng Taxsee, Para XPress, Dingdong PH, at Grab.