PINALAGAN ng Calbayog City Government sa Samar ang paglalagay ng wind turbines sa Calbayog Pan-As Hayuban Protected Landscape (CPHPL), dahil sa negatibong epekto nito sa water supply sa lungsod.
Sinabi ni Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy na hindi naman nila tinututulan ng buo ang 20-Billion Peso Project ng Gemini Wind Energy Corporation (GWEC), na local partner ng singapore-based na Vena Energy.
Paglilinaw ni Mayor Mon, ang plano ay magtayo ng tatlumpu’t pitong turbines, at ang kanilang tinututulan ay ang paglalagay ng labintatlong turbines sa loob ng kanilang Primary Watershed Area.
Ayon sa alkalde, nagpadala na ang City Council ng kopya ng kanilang resolusyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), upang ihayag ang kanilang pagtutol sa plano na magtayo ng wind farm sa ilang bahagi ng mahigit limanlibong ektarya ng CPHPL. Nanawagan din ang konseho na ibalik ang original designation ng lugar bilang “Strict Protection Zone,” na itong i-reclassify ng Protected Area Management Board bilang “Multiple-Use Zone” na nagbukas ng pintuan para sa Renewable Energy Development.




