DAGSA na ang mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ilang araw nalang bago ang Pasko.
As of 5 P.M. kahapon, nakapagtala ang PITX ng 144,150 passengers.
Bagaman marami ang nakipagsapalaran bilang walk-in passengers, ang iba naman ay maagang naghanda sa pag-book ng kanilang tickets.
Inaasahan ng pamunuan ng PITX na lolobo pa ang bilang ng mga pasahero, bukas, na ikibu-konsiderang peak day para sa holiday travel.
Tiniyak naman ni PITX Spokesperson Jason Salvador na naka-full swing ang kanilang kanilang preparasyon para mapangasiwaan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Sa pagtaya ni Salvador, hindi bababa sa 3 million passengers ang dadaan sa PITX simula Dec. 19, 2025 hanggang Jan. 5, 2026.
Samantala, magdedeploy ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit isandaang libong personnel para paigtingin ang seguridad at dagdagan ang police visibility sa mga port, terminal at iba pang transportation hubs sa buong bansa.
Sa gitna ito ng pagbiyahe ng milyon-milyong Pilipino sa mga lalawigan para ipagdiwang ang pasko at bagong taon.
Ipinag-utos ni PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa Local Police Units na mag-plano at i-adjust ang deployment ng personnel sa malalaking transport hubs para matiyak ang ligtas at maayos na galaw ng mga pasahero sa inaasahang travel surge.
Ang deployment ng mahigit 100,000 na pulis ngayong taon ay mas mataas kumpara sa 60,000 noong nakaraang taon.
Pinaalalahanan naman ni Nartatez ang publiko na tumalima sa rules and regulations habang bumibiyahe at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang untoward incidents.




