NAKATUTOK ang tatlong araw na protesta na inorganisa ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa pagde-demand ng konkretong mga hakbang laban sa korapsyon, partikular sa mayroong kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Nilinaw ni Bienvenido Santiago Jr., INC General Evangelist, na target ng kanilang protesta ang mga korap na indibidwal, at hindi ang gobyerno bilang institusyon.
Binigyang diin ng INC official na hindi nila hangad ang pagbagsak ng gobyerno, kundi nais nilang pabagsakin ang katiwalian.
Idinagdag ni Santiago na layunin nila ay ang pagtataguyod ng pamahalaang tapat at maka-mamamayan. Ginawa nito ang pahayag sa harap ng nasa animnaraang libong dumalo sa Quirino Grandstand sa unang araw ng rally kahapon.




