LUMOBO ng pitong beses ang kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa bansa ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos mula sa Department of Health (DOH) simula Jan. 1 hanggang Aug. 9, umakyat sa 37,368 ang HFMD cases kumpara sa 5,081 na naitala sa kaparehong panahon noong 2024.
Kalahati ng mga kaso ay mga bata na edad isa hanggang tatlo.
Ayon sa DOH, mabilis na tumaas ang kaso ng HFMD ngayong taon, kung saan simula Jan. 1 hanggang Feb. 22 lamang ay pumalo agad sa 7,598 ang bilang ng mga tinamaan ng nakahahawang sakit.
Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, mga singaw sa bibig, at rashes sa mga palad at kamay.
Sakaling ma-obserbahan ito sa mga bata, pinapayuhan ang mga magulang na panatilihin ang pasyente sa loob ng bahay sa loob ng pito hanggang sampung araw hanggang sa bumaba ang lagnat at matuyo ang mga sugat.