IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang Net Worth na mahigit 389 million pesos, ayon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), as of Dec. 31, 2024.
Isinumite rin ang pangulo sa kanyang SALN ang appraisal ng isang private firm na Cuervo Appraisers Inc., na nakalagay sa kanyang Net Worth sa 1.375 billion pesos.
Nakasaad sa deklarasyon ni Pangulong Marcos na ang 389.357 million pesos ay batay sa rules ng Civil Service Commission (CSC) sa paghahain ng SALNs, habang ang 1.375 billion pesos ay base sa value na in-appraise ng Cuervo.
Sa kanyang deklarasyon batay sa CSC Rules, kabilang sa assets ni Marcos ang 142.026 million pesos na halaga ng dalawampu’t isang real estate property, kabilang ang agricultural at residential lands, at personal pieces of property na nagkakahalaga ng 247.332 million pesos.
Samantala, tumaas ang idineklarang Net Worth ni Vice President Sara Duterte mula nang maupo bilang ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP sara na kanyang inihain mula June 30, 2022 hanggang Dec. 31, 2024, tumaas sa 88.512 million pesos ang kanyang Net Worth mula sa 71.058 million pesos.
Ang real properties ni Duterte at ng asawang si Manases Carpio at kanilang mga anak ay nasa 50.958 million pesos habang ang kanyang personal properties, gaya ng mga sasakyan at iba pang items ay nasa 23.849 million pesos. Mayroon ding inireport na personal loan ang bise presidente na 3.750 million pesos sa pagsisimula ng kanyang termino.




