IBINASURA ng Sandiganbayan ang motion ng dating municipal officials ng Hinabangan, Samar, na muling buksan ang graft case kung saan na-convict sila bunsod ng iligal na pagbili ng lote na ginamit sa pagpapalawak ng municipal cemetery noong 2008.
2019 nang ma-convict sina dating Mayor Alejandro Abarratigue, dating Municipal Treasurer Raul Tapia, at Administrative Officer Analiza Bagro, dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bunsod ito ng paggamit sa 500,000 pesos mula sa pondo ng munisipyo para ipambili ng lote, nang walang approval o resolusyon mula sa sangguniang bayan.
Sinentensyahan ang tatlo na mabilanggo ng anim hanggang sampung taon, at perpetual disqualification sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno.
Gayunman, hiniling nila sa Anti-Graft Court na muling buksan ang paglilitis, dahil may bagong development anila sa kanilang motion na maaring makakumbinsi sa korte na baliktarin ang naunang desisyon.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan 3rd division, nakasaad na ang conviction ng tatlong defendants ay final na, at napabilang na sa entry of judgement ng Supreme Court noong Oct. 7, 2024.