15 November 2025
Calbayog City
National

Gotia kay Zaldy Co: Walang Ebidensya, Puro Ingay

Habang lumalakas ang ingay sa politika matapos ang mga paratang ni Zaldy Co, malinaw pa rin na wala siyang naipapakitang ebidensyang naguugnay kay Pangulong Bongbong Marcos sa sinasabing P100 bilyong insertion.

Ang mga dokumentong ipinakita niya ay karaniwang listahan ng proyekto at pondo sa pambansang budget, ngunit wala itong anumang pahiwatig o utos mula sa Malacanang na nagsasabing idinagdag ang mga ito ayon sa kagustuhan ng Pangulo.

Sa gitna ng mga ispekulasyon, binigyang-diin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na katotohanan at ebidensya ang dapat pagbatayan ng publiko.

Konteksto sa Biglaang Paglalantad

May isang national security assessment ang nag-ulat na ang timing ng pahayag ni Co ay sumasabay sa mga planong kilos-protesta ng ilang grupong kritikal sa administrasyon. Ayon sa mga analyst, posible itong maging bahagi ng mas malawak na pagtatangka na guluhin ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuo ng mga nakaliligaw na naratibo laban sa Pangulo at gobyerno. Hindi nito inaakusahan ang sinuman ng ilegal na gawain, ngunit pinaaalalahanan na ang publiko ay dapat manatiling mapanuri at nakabatay sa totoong datos, hindi sa ingay o walang batayang mga akusasyon.

Bakit Hindi Humarap Dito sa Pilipinas?

Sa halip na humarap sa Senado o magbigay ng sinumpaang salaysay, piniling sa ibang bansa ilabas ni Co ang kanyang mga akusasyon — dahilan upang umusbong ang seryosong pagdududa sa kanyang layunin.

Sabi ni Goitia:

“Kung ang intensyon ay magsabi ng totoo, dapat itong gawin sa ilalim ng panunumpa, hindi kung saan-saan. May mga institusyon tayong nakahanda upang tiyakin na patas at malinaw na masusuri ang anumang alegasyon.”

Ang mga pahayag na inilalabas nang hindi hinaharap ang mga tanong o imbestigasyon ay nag-iiwan ng mas maraming katanungan, lalo na’t gumagana ang lahat ng legal na proseso rito sa Pilipinas.

Ang Pag-Veto ng Pangulo

Itinuro rin ni Goitia ang isang malinaw na rekord na sumasalungat sa mga akusasyon ni Co:
Ang pag-Veto ni Pangulong Marcos Jr. sa P194 bilyon na item sa 2025 national budget.

Ayon kay Goitia:

““Ang pag-veto ng halos P200 bilyong budget item ay malinaw na nagpapakita na hindi pinoprotektahan ng Pangulo ang anumang kuwestiyonableng insertion.”

“Ipinapakita lamang nito na ang Pangulo ay nagtatanggal ng mga item na may duda, hindi nagdaragdag ng mga ito.”

“Dahil dito, malinaw na walang basehan ang paratang na lihim siyang naglalagay ng anumang iregular na alokasyon.”

Mga Kasinungalingan sa Kwento ni Co

Binigyang-diin pa ni Goitia ang mga hindi tugma sa salaysay ni Co — isa na rito ay mismong si Pangulong Marcos Jr. ang naglantad ng mga iregularidad sa flood control projects at nag-utos ng mas malalim na imbestigasyon.

Aniya:

“Kung talaga ngang sangkot ang Pangulo sa sinasabing anomalya, bakit siya mismo ang maglalantad nito?”
“Sino ba ang maglalantad ng sarili niyang umano’y pagkakamali?”

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).