WALA pang natatanggap na anumang arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) ang Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ginawa ng DOJ at DILG ang pahayag matapos isiwalat ni Dating Presidential Spokesman Harry Roque na lumabas na ang arrest warrant ng ICC laban sa senador.
Sa kanyang social media post, pinayuhan ni Roque si Dela rosa na huwag magpa-kidnap, at igiiit ang karapatan nito na iharap muna sa korte sa Pilipinas.
Simula noong Nov. 11 ay hindi na dumalo si Dela Rosa sa sesyon ng senado.
Samantala, hindi rin alam ng abogado ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang kinaroroonan ngayon ng kanyang kliyente.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, Legal Counsel ni Dela Rosa, wala siyang ideya sa ngayon, kung nasaan ang senador.
Sinabi rin ni Torreon na sa ngayon ay wala pang opisyal na warrant or arrest na natatanggap ang kanilang kampo.
Sakali man aniyang totoo nga na may arrest warrant na laban sa senador, dapat pa ring masunod ang Philippine Law hinggil sa pag-aresto sa kaniyang kliyente.




