BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagkalat ng mga sakit na maaring maranasan lalo na ngayong nagpapalit na ang panahon patungong tag-ulan mula sa tag-init.
Ayon kay DOH Spokesperson, Assistant Secretary Albert Domingo, ang mga sakit na ito ay tinatawag na “WILD” na ang ibig sabihin ay Water and food-borne diseases; Influenza-like illnesses; Leptospirosis; at Dengue.
Sinabi ni Domingo na ang water and food-borne diseases, ay kinabibilangan ng food poisoning na maaring mangyari kapag nakainom ng kontaminadong tubig na nagreresulta ng gastroenteritis.
Aniya, uso rin ngayon ang ubo, sipon, at sore throat na nabibilang sa influenza-like illnesses dahil sa pabago-bagong panahon.
Pinaiiwas din ng opisyal ang publiko sa paglusong sa baha sa paparating na tag-ulan dahil sa banta ng leptospirosis, kasabay ng panawagan na gumamit ng mosquito repellent lotion o sprays upang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa dengue.