GUILTY ang hatol ng Pasig City Court kay Dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong Qualified Human Trafficking at sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
Dumalo si Guo sa promulgation subalit sa pamamagitan lamang ng online.
Sa statement, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na sinentensiyahan din ng life imprisonment ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 ang mga co-accused ni Guo na sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, Walter Wong Rong, Wang Leili, Wuli Dong, Nong Ding Chang, at Lang Xu Po.
Inatasan din ang mga ito na magbayad ng multa na 2 million pesos bawat isa, kada kaso, bukod pa sa monetary reparations sa victim-complainants.
Ipinag-utos din ng korte ang pagkumpiska sa 6-Billion Peso Baofu Compound pabor sa pamahalaan, pati na ang permanenteng kanselasyon sa registration ng Baofu Land Development Inc., Hongsheng Gaming Technology Inc., at Zun Yuan Technology Inc.
Mula sa Pasig City Jail Female Dormitory, agad ililipat si Guo sa Correctional Institution for Women sa Madaluyong City habang ang kanyang co-accused ay ikukulong sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.




