IPINADAAN ni Bela Padilla sa social media ang paghingi ng paglilinaw matapos ma-doble ang charge na ipinataw ng Bureau of Customs sa kanyang Online Purchase.
Ibinahagi ng actress-screenwriter ang kanyang concern sa X, kung saan sinabi niya na na-charge siya ng 4,600 pesos na Tax para sa isang Shipment na 11,000 pesos ang halaga.
Sa post kung saan naka-tag ang account ng BOC, inihayag ni Bela na ginamit niya ang online calculator ng ahensya at dapat ay 1,650 pesos lamang ang kanyang babayarang Tax.
Idinagdag ng aktres na madalas siyang nagsa-shopping sa online para sa mas mahal na items, kaya may ideya na siya kung magkano ang babayaran niyang buwis.
Sa comments section ng kanyang post, isiniwalat ni Bela na bumili siya ng Shampoo at Skincare Products, at na-kwenta na niya ang Tax na nasa 15%, batay sa halaga na nakalista sa website ng ahensya.
Nilinaw din ni Bela na wala namang problema sa kanya na magbayad ng tamang buwis pero wala siyang intensyon na magbayad ng mahigit 4,600 pesos para lamang sa Shampoo.