Hindi pa inuumpisahan ng Judicial and Bar Council ang selection process sa mga posibleng maging bagong Ombudsman.
Paglilinaw ito ng Korte Suprema matapos ang balita na diniskwalipika ng JBC si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla para sa Ombudsman post dahil sa kinakaharap nitong reklamo.
Ayon kay Supreme Court spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, wala pang isinasapubliko na opisyal na listahan ng mga aplikante na ikinokonsidera para sa pwesto kaya ‘premature’ na maituturing ang mga ulat na disqualified si Remulla para sa pwesto.
Mandato ng JBC na salain ang mga aplikante para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura kasama na ang Office of the Ombudsman kung saan bahagi ng proseso ang pagsasapubliko ng pinal na listahan ng mga aplikante na sasalang sa examinations at public interviews.
Kapag natapos ang proseso ng screening maglalabas naman ng a shortlist ang JBC na isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang pinal na magpapasya kung sinong itatalaga sa pwesto.




