INIIMBESTIGAHAN na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang Overseas Assets ng isang mataas na opisyal na may kaugnayan sa Independent Constitutional Body at isang dating opisyal, na kapwa sangkot sa maanomalyang Flood Control Projects.
Binigyang diin ni AMLC Executive Director Matthew David, na mayroong kapasidad ang council para ma-trace ang Assets sa ibang bansa.
Tugon ito ni David sa tanong kung nasimulan na ng AMLC ang pakikipag-ugnayan sa kanilang foreign counterparts para ma-trace ang Overseas Assets ng involved personalities.
Aniya, kapag nalaman nila na may property sa ibang bansa ang sangkot na personalidad ay maari nilang hilingin sa Foreign Authorities na i-freeze din ang Assets.
Kamakailan ay na-secure ng AMLC ang Freeze Orders para sa 3.9 billion pesos na halaga ng Assets ng dalawang indibidwal. Saklaw ng Freeze Order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopters, at isang eroplano.




