BUBUO ang Borongan City Government sa Eastern Samar ng Task Force, kasama ang mga miyembro mula sa Department of Trade and Industry at Borongan Chamber of Commerce and Industry upang matugunan ang epekto ng limitadong access sa San Juanico Bridge.
Sinabi ni Mayor Jose Ivan Dayan Agda na ang paglikha ng Special Task Force ay para tutukan ang monitoring sa supply at presyo ng mga produkto sa merkado.
Kabilang din sa responsibilidad ng Task Force ay magbigay ng mga solusyon sa mga problemang posibleng lumutang bunsod ng Load Restriction na ipinatupad sa mga sasakyang dumadaan sa San Juanico Bridge.
Ang naturang sitwasyon ay nakaaapekto ngayon sa delivery ng supplies at goods mula at patungo sa Leyte at Samar.
Idinagdag ni Adga na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga supplier at retailers para sa akmang solusyon at aksyon upang matiyak ang maayos na distribusyon ng goods, ma-regulate ang pagtaas ng mga presyo, at malimitahan ang epekto sa ekonomiya.